Calamity fund sa 2021, pinadadagdagan ng P5 billion

63

Pinadadagdagan ng Kamara ng P5 billion ang calamity fund sa 2021 para gamitin sa pagsasa-ayos ng mga lugar na sinalanta ng mga bagyo.

Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, imumungkahi ng Mababang Kapulungan ang dagdag na budget sa calamity fund sa pagsalang sa Bicameral Conference Committee ng P4.5 Trillion 2021 General Appropriations Bill.


Giit ni Velasco, mahalagang magkaroon ng budget augmentation sa calamity fund bunsod ng malaking pinsalang iniwan ng mga Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses sa imprastraktura at agrikultura sa maraming lugar sa Luzon na umabot na sa P35 billion.

Sa ilalim ng isinumiteng National Expenditure Program (NEP) para sa 2021 ni Pangulong Rodrigo Duterte, tumaas sa P20 billion ang pondo ng calamity fund kumpara sa P16 billion ngayong 2020.

Magkagayunman, ang P20 Billion na calamity fund sa 2021 ay mahahati pa para sa Marawi reconstruction na P5 billion at P6.25 billion naman para sa quick response funds ng anim na ahensya ng gobyerno.

Aabot na lamang sa P8.75 billion ang pondo na paghahatian para sa mga biktima ng kalamidad at hindi ito sapat para sa rebuilding pa lamang na gagawin sa Bicol Region na matinding hinagupit ng Bagyong Rolly.




Facebook Comments