
Upang matiyak na maayos at organisado ang mga kalye sa lungsod ng Caloocan, nagsagawa ng clearing operation ang Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) sa mga pangunahing kalsada.
Ilan sa mga inikutan ng mga tauhan ng Caloocan local government unit ay ang C-3 Road Doña Aurora, Bagong Barrio, Sangandaan, Maypajo at Kiko Market.
Karamihan sa mga nasita at nasampolan ng operasyon ay ang mga tindahan na halos sinakop na ang bangketa kaya’t walang madaanan ang mga tao.
Maging ang mga may-ari ng sasakyan lalo na ang mga motorsiklo na ginagawang paradahan ang kalsada ay inisyuhan ng violation ticket.
Muling iginiit ng lokal na pamahalaan na hangad nila na magkaroon ng malinis at maaliwas na lungsod pero kakailanganin nila ang tulong at malasakit ng bawat isa upang matiyak na mapapanatili ang mga ginagawa hakbang at proyekto.