
Hinirang bilang bagong lider ng Simbahang Katolika si Cardinal Robert Francis Prevost.
Ang 69 na taong gulang na cardinal ang ika-267 na Santo Papa at kauna-unahan mula sa Amerika.
Miyerkules nang simulan ng 133 cardinal electors ang pagpili ng bagong Santo Papa, kapalit ng yumaong si Pope Francis.
Matapos ang apat na round ng botohan, lumabas ang puting usok sa tsimeneya ng Sistine Chapel alas-12:08 kaninang madaling araw.
Sinundan ito ng hiyawan at palakpakan ng libu-libong Katoliko mula sa iba’t ibang panig ng mundo na ilang oras nag-abang sa St. Peter’s Square.
Ilang beses na pinatunog ang kampana ng St. Peter’s Basilica bilang pagkumpirma sa resulta.
Mula sa central balcony ng basilica, binanggit ni Cardinal Protodeacon Dominique Mamberti ang katagang “Habemus Papam” na ang ibig sabihin ay “We have a Pope.”
Ilang saglit lang, lumabas na rin sa balkonahe si Prevost, suot ang tradisyunal na pulang papal garment.
Pinili niyang matawag bilang si Pope Leo XIV.
“Peace be with you all” ang mga unang salitang binitiwan ng bagong Santo Papa bilang pagbati sa mga tao.
Nanawagan si Pope Leo XIV sa mundo ng magtayo ng tulay sa pamamagitan ng dayalogo at magkaisa para sa kapayapaan.
Nagpasalamat din siya sa kanyang predecessor na si Pope Francis.
Samantala, bagama’t ipinanganak sa Chicago, naging mamamayan ng Peru si Prevost.
Bago napunta sa Roma, nagsilbi siyang Bishop Emeritus ng Chiclayo sa Peru mula 2015 hanggang 2023 hanggang nahirang na cardinal ni Pope Francis noong January 2023.
Nagsilbi rin siyang Prefect of the Dicastery for Bishops.