Carjack gang leader Raymond Dominguez, nasawi dahil sa cardiac arrest

407

Nasawi dahil sa cardiac arrest ang convicted carjack gang leader na si Raymond Dominguez.

Ito ay base sa resulta ng isinagawang autopsy ng National Bureau of Investigation sa labi ng high-profile inmate.


Biyernes nang umaga nang matagpuang wala nang buhay si Dominguez sa loob ng kanyang selda sa Maximum Security Compound sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Una nang sinabi ni Bureau of Corrections Spokesperson Gabriel Chaclag na walang foul play sa pagkamatay ni Dominguez.

Pero hindi naniniwala ang misis nitong si Mae Dominguez na natural cause ang ikinamatay ng kanyang asawa.

Aniya, tila inaasahan na ng kanyang asawa na mamamatay siya dahil tinawagan pa siya nito para magpaalam noong gabi bago ito natagpuang patay sa kanyang kubol.




Si Dominguez ay hinatulang guilty sa kasong carjacking noong 2010 at naharap din sa kasong pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista noong 2011.

Facebook Comments