
Nababahala na ang Climate Conflict Action (CCA) sa pagtaas ng karahasan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong nalalapit na ang halalan.
Ayon kay Prof. Francisco Lara Jr., ang Executive Director ng CCA, ang mga karahasan ay kadalasang nangyayari sa pagitan ng mga klan o angkan na nagreresulta sa mga sagupaan at pagpatay.
Batay sa record ng CCA, mayroong mga pagkakataon na mismong mga kandidato na ang gumagamit na ng pwersa upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan.
Paliwanag pa ni Lara, aabot anila sa 28 aktibong klan o angkan na mayroong hindi pagkakaunawaan ang naitala sa rehiyon.
Dagdag pa ni Prof. Lara, anumang oras anila ay maaaring makagawa ang mga ito ng karahasan dahil bukod sa kapwa ay may mga sinusuportahang grupo, at sila na mismo ang sangkot sa pulitika.
Dahil dito nananawagan si Prof. Lara sa mga Law Enforcement Agencies gaya ng Philippine National Police (PNP) at military na ipatupad ng mas mahigpit at mas epektibo ang gun ban hindi lamang sa mga lokal na politiko kundi pati na rin sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at iba pang armadong grupo sa rehiyon.
Bukod sa regular na mideterm election sa Mayo, ang BARMM ay magkakaroon ng isa pang Election para mamili ng unang set ng mga opisyales na mamumuno para sa parliamentary government.