
Pinadadalo ng Korte Suprema si Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo sa gaganaping oral arguments tungkol sa blangkong items sa Bicameral Conference Committee report ng 2025 national budget.
Ayon sa naghain ng petisyon na si dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, inobliga ng SC si Quimbo na humarap kasama na rin ang mga miyembro ng Technical Working Group ng Senado at Kamara.
Ang naturang kongresista rin ang dating vice chairperson ng Committee on Appropriations na bumusisi sa 2025 national budget.
Sinabi naman ni dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagsilbi umanong poster girl si Quimbo ng maluhong pamumuhay na mas masahol pa raw sa pinalitan nitong chairperson ng komite.
Una nang nanawagan ang dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang kongresista.
Gaganapin ang oral arguments sa susunod na buwan.