
Tiniyak ng Chinese Embassy sa Pilipinas na kaisa sila sa kampanya ng Philippine government kontra Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Sa statement ng embahada ng Tsina, inihayag nito na sa katunayan ay katuwang sila ng mga awtoridad ng Pilipinas sa pagpapa-deport sa 100 Chinese nationals na sangkot sa POGO activities sa Pilipinas.
Bukod anila sa pakikiisa ng Chinese government sa crackdown operation nito laban sa POGO sa Pilipinas, mahigpit aniya ang kanilang paalala sa mga Tsino sa bansa na sumunod sa batas at sa mga panuntunan ng Pilipinas at iwasang pumasok sa anomang illegal at criminal activities.
Nanawagan din ang Chinese government sa gobyerno ng Pilipinas na buwagin na sa lalong madaling panahon ang offshore gambling sa bansa.
Sa kabilang dako, umapela naman ang Chinese Embassy sa Pilipinas na igalang ang mga karapatan at interes ng mga Chinese sa Pilipinas.