
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na isang Chinese national ang naaresto kamakailan dahil sa pag-eespiya.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, bukod sa isang Chinese ay dalawa ring Pinoy ang naaresto sa operasyon na ikinasa sa Makati City noong Biyernes ng gabi, January 17.
Ngayong hapon, ipiniresenta ang mga salarin at ang mga kagamitan na nakuha mula sa kanila sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ).
Kinilala ang mga suspek na sina Deng YuanQing at ang dalawang Pinoy na sina Ronel Jojo Balundo Besa, Jayson Amado Fernandez.
Napag-alaman na may kakayanan ang mga nakuhang kagamitan sa pagmamanman sa mga lugar na military camp bases, power plants, tanggapan ng mga local government unit at maging mga shopping mall.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kung sino pa ang mga kasabwat at kung ano ang kanilang motibo.
Nahaharap ngayon ang tatlo sa kasong Espionage at Cybercrime Prevention Act of 2012.