
Isa nanamang barko ng China Coast Guard (CCG) ang namataan sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea, ilang beses niradyuhan ng BRP Cabra ang CCG vessel 3302.
Ito ay para pigilan ang patuloy pang paglapit ng barko ng China sa baybayin ng bansa matapos huling makita sa layong 83 hanggang 85 nautical miles mula sa baybayin ng Palauig, Zambales.
Iginiit ng BRP Cabra sa mas malaking CCG vessel na iligal ang kanilang pananatili sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas na paglabag sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at 2016 Arbitral Award.
Muli namang tiniyak ng PCG na patuloy nilang babantayan ang EEZ upang pigilan na maging normal ang mga iligal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.