
Nakabalik na sa kanilang mga pamilya at muling nakapag-aral ang apat na binatilyong Children in Conflict with the Law (CICL) matapos makumpleto ang intervention program ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).
Ayon kay MDSW Chief Jay Reyes Dela Fuente, ang apat na kabataan na pawang nasa edad 14 at 15 anyos ay nasangkot sa mga kasong riot at theft, dahilan upang isailalim sila sa ilang buwang intervention sa Manila Boystown Complex sa Marikina.
Sinabi ni Dela Fuente na matapos makumpleto ang rehabilitasyon, maayos na naibalik ang mga binatilyo sa pangangalaga ng kani-kanilang mga magulang.
Kasabay nito, tinulungan din silang makabalik sa eskwelahan upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral para magkaroon ng panibagong pagkakataon sa buhay.
Bukod sa pagbabalik sa eskwela, binigyan din ang pamilya ng mga kabataan ng capital assistance upang magsilbing panimula sa kanilang kabuhayan at maiwasan na muling masangkot sa paglabag sa batas.
Muling iginiit ng MDSW na ang naturang hakbang ay bahagi ng programang ng Manila local government na layunin bigyan ng pag-asa at pangalawang pagkakataon ang mga kabataang nagkamali upang maging maayos ang takbo ng kanilang pamumuhay.










