
Nilinaw ni Criminal Investigation and Detection Group Chief Police Major General Nicholas Torre III na tanging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang makapipili ng susunod na mamumuno sa hanay ng Pulisya.
Kasunod ito ng pag-endorso ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kay Torre na maging susunod na pinuno ng Philippine National Police.
Sabi ni Torre, hindi niya ito pinangungunahan dahil desisyon naman ito ng Pangulo.
Gayunman, handa umano siyang sumunod sa anumang iaatas ng pamunuan.
Muli namang iginiit ni Torre ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng internal cleansing campaign na sinimulan ni outgoing PNP Chief Gen. Rommel Marbil na siya ring nagpatupad ng mahigpit na disiplina sa kanilang hanay.
Mahalaga rin aniya na palakasin ang screening process upang masiguro na malinis at kwalipikado ang bawat miyembro ng pulisya.