CLEARING OPERATIONS | Butuan Police Station 5, sinalakay ng nasa 40 teroristang NPA

Butuan City – Sinalakay ng nasa 40 teroristang New People’s Army ang Butuan Police Station 5 sa Barangay San Mateo, Butuan City, kahapon ng umaga pero agad itong nadepensahan ng mga pulis.

Ayon kay Police Chief Superintendent Noli Romana, CARAGA Police Director, bandang 9:30 ng umaga kahapon nang salakayin ng NPA ang nasabing police station pero agad na nakamaniubra ang mga pulis dahilan para magkaroon ng palitan ng putukan na nagtagal ng 20 minuto.

Pagkatapos ng sagupaan, tumakas ang mga kalaban nang walang anumang nakuha sa himpilan ng pulis.


Wala ring naitalang nasawi o nasugatan pulis sa insidente, habang hindi naman matukoy ng pulisya kung ilan ang sugatan sa mga nakalabang NPA.

Nagsagawa agad ng clearing operations ang reinforcements mula sa regional mobile force battalion at Butuan City mobile force company pagkatapos ng insidente.

Kinondena naman ng pulisya sa lugar ang walang tigil na panghahasik ng takot at kaguluhan na ginagawa ng mga teroristang NPA.

Nanawagan ang PNP sa publiko na agad na ipaalam sa pinaka malapit na police o military unit ang presensya ng mga terorista sa kanilang lugar.

Facebook Comments