Co at Romualdez, iimbitahan na sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa anomalya ng flood control projects

Ipapatawag na sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sina resigned Cong. Elizaldy Co at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez para pagpaliwanagin sa kontrobersyal na kinasangkutan sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson, magpapadala ang komite ng invitation letter kay Co sa kanyang address dito sa bansa.

Gayunman, batid ng senador na nasa abroad si Co kaya may tsansang hindi ito sisipot.

Kung hindi aniya haharap sa pagdinig si Co ay sunod na padadalhan ito ng subpoena at kapag hindi pa rin sumipot ay iisyuhan ito ng show-cause order para pagpaliwanagin kung bakit hindi siya dapat i-contempt ng Blue Ribbon.

Dagdag ni Lacson, kung hindi sila makuntento sa paliwanag ni Co sa show-cause order ay ipag-uutos na ang pagpapa-contempt dito na susundan ng pag-iisyu ng warrant of arrest.

Samantala, bilang pagkilala sa tradisyon ng inter-parliamentary courtesy, ang imbitasyon para kay Romualdez ay idadaan naman kay House Speaker Faustino Dy III.

Facebook Comments