COMELEC, aminadong may ilang mga lugar ang humiling na isailalim sila sa COMELEC control

Mismong mga politiko o mga kalaban ng nakaupo sa pwesto at ordinaryong residente ang humihiling na isailalim ang kanilang lugar sa COMELEC Control.

Ito’y para sa mas mahigpit na seguridad ngayong panahon ng kampanya para sa 2025 midterm elections.

Sa pagdalo ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa Meet the Manila Press, sinabi nito na manggagaling lamang ang rekomendasyon nito mula sa security forces tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).


Aniya, may nagpapadala ng sulat sa kanila para mailagay ang ilang mga lugar sa COMELEC control.

Pero, aminado si Garcia na sa ngayon ay wala pa itong nakikitang area na pwedeng ilagay sa kontrol ng komisyon.

Base sa imbestigasyon ng COMELEC may mga dapat na mailagay na lugar sa red category at may mga area rin na dapat ibaba ang kategorya dahil wala na ritong naitatalang insidente ng karahasan.

Nag-follow up request na rin ang COMELEC sa PNP kaugnay ng report ng peace and order situation ng anim na rehiyon sa bansa.

Sa ngayon nasa 38 na lugar sa bansa ang nasa ilalim ng Red Category, 32 naman dito ay mula sa BARMM.

Una nang sinabi ng COMELEC na mas magiging kritikal ang sitwasyon kapag nagsimula na ang kampanya para sa lokal na posisyon.

Facebook Comments