
Naglabas ng dokumento ngayon ang Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa pagbawi sa proklamasyon ni Luis “Joey” Chua Uy bilang nanalong kongresista ng ika-anim na distrito ng Maynila.
Pinaboran ng 2nd Division ng COMELEC ang petisyon ni Bienvenido Abante Jr. na nagsabing hindi kuwalipikado si Chua Uy na tumakbo bilang kongresista dahil hindi siya natural-born Filipino.
Sa desisyon na inilabas ni Commissioner Rey Bulay, pinaboran ng dalawa pa nitong kasamahan ang pagpapawalang bisa ng kandidatura ni Chua Uy dahil saklaw ito ng 1935 Constitution kung saan itinuturing siyang naturalized citizen dahil sa pagkakaroon ng dayuhan na ama na kalaunan ay naging naturalized din na Pilipino.
Idineklara din ng Comelec 2nd Division si Abante bilang nagwaging kongresista ng ika-6 na distrito ng Maynila noong May elections.
Kaugnay nito, inihayag ng Comelec na maaari pa namang iapela ni Chua Uy sa En Banc ang desisyon.