Comelec, handang tumugon sa utos ng Korte Suprema hinggil sa pagsasapubliko ng bagong joint venture agreement ng Miru System

Tiniyak ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na susunod sila sa kautusan ng Korte Suprema para sagutin ang petisyon na kumukuwestiyon sa joint venture ng COMELEC at MIRU system.

Naghahanda na silang magsumite ng komento sa loob ng 10 araw kaugnay sa petition for certiorari and mandamus na kumukuwestiyon sa P18 bilyon kontrata para sa implementasyon ng automated election system.

Sinabi ni Garcia na wala silang nakikita na problema para magpaliwanag sa petisyon ng Right to Know Right Now Coalition at ilang iba pa grupo.


Muli ring iginiit ng poll chief na naibigay nila sa Right To Know Right Now Coalition ang lahat ng hinihinging impormasyon alinsunod sa pinaiiral na polisiya ng COMELEC na complete transparency.

Mayroong record ang COMELEC na nagpapatunay na ang lahat ng hinihiling ng mga petitioner ay naipadala na at ito’y isasama nila sa isusumiteng paliwanag sa SC en banc.

Matatandaan na dumulog sa Korte Suprema ang mga petitioner matapos umatras sa joint venture ang St. Timothy Construction Corporation kaya’t nais malaman ang laman ng kontrata alinsunod sa itinatakda ng Freedom of Information Request.

Facebook Comments