Comelec, nagbabala sa mga kandidato na huwag maging bastos sa kampanya

Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na mangampanya nang may respeto.

Ang pahayag ay ginawa ni Comelec Chairman George Erwin Garcia matapos ipatawag ang isang local candidate na nag-viral ang naging biro sa isang campaign rally.

Sa pulong balitaan ngayong hapon, sinabi ni Garcia na hindi sila papayag na may mangyaring bastusan sa kampanya mapa-national o local candidates man.

May hangganan din aniya ang biro lalo na kung nakakasakit ito sa isang grupo o sektor.

Sinabi pa ni Garcia na hindi rin dapat sisihin ang Comelec sa pagpuna sa mga ganitong mali.

Pinagpapaliwanag ang kandidato sa pagka-kongresista sa Pasig City na si Atty. Ian Sia dahil sa pagbibiro nito tungkol sa mga babaeng single parent sa lungsod na pwede umanong sumiping sa kaniya.

Matapos naman mabatikos, sinabi ni Sia na biro lamang ang pahayag at humingi rin ng paumanhin sa mga hindi natuwa sa kaniyang biro.

Facebook Comments