COVID-19 cases sa Kamara, pumalo na sa 42

33

Umakyat na sa 42 ang bilang ng mga kawani sa Kamara na nag-positibo sa sakit na COVID-19.


Ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, dalawa ulit na empleyado ang nadagdag ngayong araw sa bilang ng mga nag-positibo sa virus.

Isa rito ay babaeng empleyado na nakatalaga sa Committee on Rules na huling pumasok sa trabaho noong July 20 hanggang August 5.

Sumailalim aniya sa COVID-19 test ang empleyado matapos makaranas ng sintomas tulad ng pagkawala ng pang-amoy at panlasa.

Samantala, ang isa pa sa nadagdag na kaso ay lalaking kawani naman ng Grounds Maintenance Group.

Huli itong pumasok sa trabaho noong July 20 hanggang 30.

Naging close contact umano ng empleyado ang kanyang officemate na nauna nang nag-positibo sa COVID-19.




Sa ngayon, nagsasagawa na ng contact-tracing sa mga nakasalamuha ng mga ito.

Hindi naman kasama sa bilang na ito ang nasawing si Senior Citizen Rep. Francisco Datol Jr.

Facebook Comments