Croatia, may mga alok na trabaho

Nangangailangan ng 2,000 manggagawa ang bansang Croatia.

Ayon kay Philippine Association of Service Exporters Inc. (PASEI) President Elsa Villa, kasama sa mga bakanteng trabaho sa Croatia ang waiter, room attendant, massage therapist, gardener, cook at kitchen helper.

Aniya, nasa 700 euros o higit P40,000 ang basic salary sa nasabing mga posisyon.


Bukod sa Croatia, sabi ni Villa na malaki rin ang nakikita nilang oportunidad sa iba pang mga bansa sa Europa na Hungary, Slovenia, Montenegro at Austria.

Pero kulang aniya ang mga labor office ng Pilipinas sa Europa kaya hiniling din ng PASEI na dagdagan ito at bilisan ang mga bilateral labor agreement.

Nagbabala naman si Villa sa mga aplikante laban sa mga illegal recruiter na sumasakay sa mga naririnig na oportunidad sa Europa at gumagamit lang ng pangalan ng mga lisensiyadong ahensiya.

Para makatiyak, tumawag sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para malaman kung totoong may job order ang mga trabahong iniaalok ng isang recruitment agency.

Facebook Comments