
Pinatututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaso ng cyberbullying sa mga paaralan kasunod ng pagbubukas ng klase kahapon.
Ayon kay Pangulong Marcos, inatasan niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bantayan ang cyberbullying at mental health ng mga kabataan para masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mga ito sa kanilang pag-aaral.
Pinatitiyak din ng pangulo sa Department of Health (DOH) ang pagkakaroon ng mga clinic at health facilities sa mga paaralan para sa mga bata.
Nais ng pangulo na palakasin ang school clinics, ipagpatuloy ang bakuna-eskwela, pagpurga, tutukan ang oral health, at community based mental health programs, kasama na ang pagbibigay ng health kits at equipment.
Samantala, ipinatawag din ni Pangulong Marcos si Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III para pagtibayin ang direktiba hinggil sa pinaigting na police visibility at seguridad sa mga paaralan, kung saan ipinakita ang bodycam ng rumerespondeng pulis bilang demonstration ng 911 response time ng PNP na kayang umabot sa tatlo hanggang limang minuto.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bahagi rin ng direktiba ang paglalagay ng CCTV sa paligid ng pampublikong paaralan sa buong bansa.