
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsusumikap ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 2 – Isabela Provincial Office na gawing mas ligtas at episyente ang mga serbisyong digital sa lalawigan.
Kaugnay nito, matagumpay na pagsasagawa ng PNPKI Orientation and Users’ Training sa Digital Training Center sa lungsod ng Cauayan.
Dumalo sa pagsasanay ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya at tanggapan ng gobyerno kabilang ang Isabela State University – Cauayan Campus, Cauayan District Hospital, DepEd – SDO Isabela, DILG Isabela, PNP, NBI, at PSA Isabela
Dumalo rin dito ang mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan ng Naguilian, Reina Mercedes, Ilagan, at Cauayan, kasama na ang City Government of Ilagan.
Sa training, tinalakay ang mga pangunahing konsepto ng Public Key Infrastructure (PNPKI) — kabilang ang legal na pundasyon nito at kahalagahan sa mga digital na serbisyo ng gobyerno. Nagsagawa rin ng hands-on session sa pag-enroll at paggamit ng PNPKI digital certificates, na susi sa pagpapatupad ng ligtas at epektibong e-Governance.
Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, mas handa na ang mga kawani ng gobyerno sa Isabela na tumugon sa hamon ng makabagong panahon at itaguyod ang digital transformation sa kani-kanilang tanggapan.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang cybersecurity awareness at itaguyod ang digital trust sa mga ahensya ng gobyerno sa buong lalawigan ng Isabela. Bahagi ito ng adhikain ng DICT na palaganapin ang ligtas, paperless, at maayos na mga transaksyon gamit ang teknolohiya.