
Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa mga kontratista at potential bidder kaugnay ng mga taong nag-aalok umano ng “connections” sa loob ng ahensiya para makakuha ng mga proyekto, sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (DA-PRDP).
Kasunod ito ng mga natanggap na ulat ng DA na may nagpapakilalang mga indibidwal, isa na dito si alyas “Gio”, na umano’y may malalaking koneksyon sa mga opisyal o empleyado ng ahensya at nag-aalok ng tulong para ‘maayos’ na makuha ang kontrata kapalit ng pera at iba pa.
Pinabulaan din ng DA ang pahayag na may mga proyekto umanong naipangako na sa ilang kontratista bago pa man ang pormal na procurement.
Mariin iginiit ng DA, walang sinumang opisyal o empleyado ng ahensiya ang awtorisadong magbigay ng garantiya na makukuha ng isang kontratista ang isang proyekto ng DA-PRDP, lalo’t kailangan umanong dumaan sa tamang procurement process ang lahat ng proyekto at kontrata ng DA-PRDP.
Dagdag pa rito, maaaring maharap sa administrative, civil, o criminal liability ang sinumang indibidwal na mapatutunayang gumagamit ng pangalan o impluwensiya ng mga opisyal ng gobyerno para makakuha ng pera, benepisyo, o espesyal na pabor.
Samantala, hinimok naman ng DA ang mga bidder na huwag magbayad sa mga ganitong klase ng alok at agad na i-report ang mga ito sa ahensiya.










