Hiniling ni Committee on Basic Education Chairman Bam Aquino na magtalaga ng dagdag na manpower sa mga paaralan na mag-mo-monitor sa mga naka-install na CCTVs.
Ito’y matapos na mapag-alaman sa joint hearing ng Basic Education at Higher, Technical and Vocational Education Committee na walo lang ang CCTV sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City nang mangyari ang mass school shooting na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Sa ngayon ay naglagay ng dagdag na CCTVs at walk-through metal detectors sa naturang paaralan para sa pag-re-resume ng klase matapos ang nangyaring insidente.
Pero ayon kay Aquino, bukod sa paglalagay ng mga dagdag na CCTVs sa mga paaralan ay dapat may kaakibat itong manpower tulad ng security officer na magbabantay at manonood sa nangyayari.
Punto ni Aquino, kung mayroon lang guro o security personnel na nakabantay sa CCTV sa San Jose National High School ay pwede sanang napuntahan agad kung nasaan ang shooter at napigilan sana ang pamamaril.
Gayunman, ayon kay Education Undersecretary Malcolm Garma walang security officers ang mga eskwelahan kundi security guards lamang na karaniwang ina-outsource pa.
Sinabi pa ni Garma na tatlo sa sampung paaralan lang ang may security guards o 31.7% na katumbas ng 15,328 security guards.











