
Habang nararanasan ang tag-ulan sa iba’t ibang lugar sa bansa, muling pinaalalahanan ng pamahalaang lokal ng Dagupan City ang ukol sa pangangalaga ng kalusugan at kampanya laban sa mga sakit na karaniwang lumalaganap sa panahong ito, partikular ang tinatawag na W.I.L.D. diseases o Waterborne Diseases, Influenza-Like Illnesses (ILI), Leptospirosis, at Dengue.
Ayon sa paalala, tumataas ang panganib ng pagkakasakit tuwing tag-ulan dahil sa pagbaha, maruming tubig, at pagdami ng mga lamok na nagdadala ng sakit.
Kabilang sa mga sakit na dapat bantayan ang waterborne diseases na maaaring makuha sa pag-inom ng kontaminadong tubig. Kasama rin ang leptospirosis na naipapasa sa pamamagitan ng paglusong sa baha na may halong ihi ng daga.
Pinag-iingat din ang publiko laban sa Influenza-Like Illnesses (ILI), na karaniwang nagdudulot ng lagnat, sipon, ubo, trangkaso, at pananakit ng katawan, lalo na sa panahong pabago-bago ang panahon.
Samantala, patuloy ring banta ang dengue na naihahawa sa pamamagitan ng kagat ng lamok na Aedes aegypti, na madalas dumadami sa mga lugar na may nakatiwangwang na tubig-ulan.
Binigyang-diin ng mga health officials na ang maagap na pag-iingat, wastong kalinisan, at maagang pagpapakonsulta ay mahalagang hakbang upang maprotektahan ang sarili at pamilya laban sa mga sakit ngayong panahon ng tag-ulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









