Dalawa sugatan sa pangangagat ng isang lasing sa bayan ng Balete

14

Balete, Aklan— Sugatan ang dalawang lalaki matapos kagatin ng kanilang kainuman sa barangay Cortes Balete kahapon. Putol ang kaliwang hintuturo ng biktimang si Gelord Gomez 28 anyos construction worker, residente ng sitio Kampitan, Aranas Balete habang sugat sa kaliwang bahagi ng tiyan ang tinamo ni Anthony James Cuaterno matapos kagatin ng suspek na si Joseph Alfonso 28 isang magsasaka residente ng sitio Pueahan Arcangel Balete. Base sa imbestigasyon ng Balete PNP na nag iinuman umano ang mga ito nang bigla na lamang nagtalo ang suspek na si Alfonso at bayaw nitong si Cuaterno. Nakagat umano ng suspek ang bayaw nito dahilan para umawat ang biktimang si Gomez dahilan para siya naman ang pagbalingan nito at kagatin sa kanyang kaliwang hintuturo. Dahil sa lakas ng pagkakakagat ng suspek ay naputol ang daliri ng biktima. Isinugod sa pagamutan ang dalawa habang naaresto naman ang suspek ng mga rumespondeng otoridad. Samantala sa ekslusibong panayam ng RMN DYKR Kalibo sa suspek na si Joseph Alfonso, inihayag nito na wala siyang matandaan sa nangyari dahil sa kanyang kalasingan. Aniya na alas 8:00 pa lamang ng umaga kahapon ay nag-umpisa na itong uminom ng alak. Humingi naman ito ng tawad sa nagawa sa dalawa nitong kainuman. Dahil nagdisiyon na magkakaroon ng settlement sa barangay ang panig ng mga biktima at suspek, pinakawalan ito ng mga otoridad. Ayon sa mga pulis, nakatanggap rin sila ng impormasyon na kinagat rin ni Alfonso ang kanyang ama sa kamay ilang taon na ang nakakalipas dahil rin sa kalasingan. Sa oras na hindi magkaroon ng settlement sa barangay ang magkabilang kampo, kakasuhan ng mga otoridad ang suspek ng serious phisical injuries.

Facebook Comments