
Cauayan City — Huli ang dalawang babae matapos na magnanakaw sa isang shopping mall sa Brgy. Centro East, Santiago City.
Ayon sa ulat, ang isa sa mga suspek ay residente ng Tinglayan, Kalinga habang ang isa naman ay mula sa Irisan, Baguio City.
Tumugon ang mga Duty Patrollers mula sa Blessed Poste-Jollibee Bayan matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen. Pagdating sa lugar, agad namang itinurn-over ng mall security ang mga suspek sa mga awtoridad.
Base sa imbestigasyon, sinubukang lumabas ni alyas Jane sa mall nang biglang tumunog ang alarm. Tinangka nitong tumakas sa ikatlong palapag at sinundan ng isang saleslady.
Sa parehong palapag hinarang siya umano ni alyas Lorna na tila nagtatangkang ilihis ang atensyon ng guwardya.
Gayunpaman, nahuli rin ang dalawang babae at narekober ang mga ninakaw na gamit na nagkakahalaga ng PhP 2,895.00, kabilang ang LED lamp tubes, mga t-shirt, at underwear. Inihahanda na ang kasong Pagnanakaw laban sa mga nasabing suspek.