Dalawang binata na sinita dahil sa hindi pagsusuot ng helmet, nahulihan ng iligal na droga sa Pasig City

15

Kalaboso ang dalawang binata makaraang maaresto ng mga pulis dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at nakumpiskahan pa ng pinatuyong dahon ng marijuana sa Bornay Street, Brgy. Kalawaan, Pasig City.

Kinilala ang mga suspek na sina Kevin Christian Regado, 23 anyos, isang deliver rider at residente ng 007 F. Manalo St., Santo Tomas, Pasig City at Yuan Hero Bondoc ,20 anyos, residente naman ng 139 M.H. del Pilar St., Palatiw, Pasig City.

Ayon sa imbestigasyon ng Pasig Philippine National Police (PNP), nagsasagawa ng mobile patrol sina PSSg. Jomel Angoluan at PCpl. Oscar Danglose, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 4 sa 410 Elisco Road, Brgy., San Joaquin, Pasig City nang maispatan ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo kung saan nasita ang backrider na si Kevin dahil sa hindi pagsusuot ng helmet sa halip na huminto at magpaliwanag sa mga pulis kung bakit walang suot na helmet ay bigla itong humarurot ng takbo at nagtangka pang takasan ang mga pulis pero nakorner ang dalawa at naaresto.


Habang iniimbestigahan kinapkapan ang dalawang binata kung saan nakuha sa kanilang pag-iingat ang apat na pirasong pinatuyong dahon ng marijuana.

Sinampahan ng kasong may kinalaman sa iligal na droga, kaso ng pagiging arogante at hindi pagtalima sa mga alagad ng batas.

Facebook Comments