DALAWANG HINIHINALANG NINAKAW NA MOTORSIKLO SA MANGALDAN, HINDI PA NATUTUKOY ANG MGA MAY-ARI

Dalawang inabandonang motorsiklo sa Barangay Anolid at Bantayan sa Mangaldan, ang pinaniniwalaan ng mga awtoridad na may kinalaman sa nakawan ngayong Marso, ang isinoli sa himpilan ng pulisya.

Ang pinakahuling kaso ay naitala noong Marso 10 sa Barangay Anolid, matapos mapansin ng isang 34-anyos na lalaki ang isang motorsiklong matagal na umanong nasa gilid ng kalsada.

Sa ulat ng saksi, umaga palang ay napansin niya na ang pulang motor sa lugar na wala nang plaka at sira ang takip ng gasolina.

Matatandaang may naitala ring kaso ng inabandonang motor sa Barangay Bantayan noong Marso 7 kung saan nasapul sa CCTV kung paano ito iniwan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki.

Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad kung may kinalaman ang mga ito sa mga insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa bayan.

Ayon sa himpilan, ini-report na ang mga kaso sa Land Transportation Office (LTO) upang malaman ang mga rehistradong may-ari ng mga motorsiklo.

Patuloy naman ang panawagan ng pulisya sa publiko na agad makipag-ugnayan sa himpilan kung may impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng mga may-ari ng motorsiklo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments