
Cauayan City — Timbog ang dalawang lalaki sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 1, Ambalatungan, Santiago City.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Cardo”, 33-anyos, construction worker, na residente ng Rosario, Santiago City, Isabela at alyas “Rigor” 26-anyos,vendor, at residente naman ng San Isidro, Isabela.
Nasabat mula sa mga suspek ang isang piraso ng heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng shabu matapos nilang iabot ito sa poseur buyer kapalit ng Php 7,000 na buy-bust money na binubuo ng isang genuine Php 500 bill at anim na piraso ng boodle money na tig-iisang libo.
Sa isinagawang body search, narekober mula sa mga suspek ang buy-bust money, isang cellphone, at motorsiklo.
Matapos ang isinagawang imbentaryo dinala ang mga suspek sa Santiago City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon.
Samantala mahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa kasong Section 5 Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.