
CAUAYAN CITY – Tuluyan nang sinibak sa pwesto ang dalawang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 matapos masangkot sa insidente ng pananakit sa dalawang sibilyan sa Lungsod ng Tuguegarao.
Kinilala ang mga sangkot na sina Assistant Regional Director Manuel Baricaua at Chief Enforcer Charles Ursulum.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, agad siyang nagsumite ng rekomendasyon sa Office of the President para sa permanenteng pagtanggal ng dalawang opisyal mula sa kanilang tungkulin.
Sa isang press conference na isinagawa noong Lunes, mariing kinondena ni Dizon ang insidente at iginiit na hindi na kailangan ang karagdagang imbestigasyon.
Sinabi rin ng kalihim na kumikilos na ang DOTr upang makipag-ugnayan sa mga biktima para sa pagbibigay ng legal na tulong at upang ihanda ang posibleng paghahain ng reklamo laban sa mga sangkot na opisyal.
Nagpasalamat din siya sa uploader ng video na naging daan upang agad matukoy at maaksyunan ang insidente.
Bilang paalala, nanawagan si Dizon sa publiko na huwag matakot na magsumbong sa mga awtoridad kung may makitang pang-aabuso mula sa sinumang opisyal ng gobyerno. Aniya, mahalagang manindigan para sa karapatan at kaligtasan ng bawat mamamayan.