Dalawang Pinoy, patay sa train crash sa New Zealand  tatlong iba pa – sugatan!

Patay ang dalawang Pinoy workers habang sugatan ang tatlong iba pa nang mabangga ng isang tren ang kanilang sinasakyan sa New Zealand.

Ayon kay Philippine Ambassador to New Zealand Jesus Domingo, naganap ang insidente alas 8:15 ng umaga sa New Zealand habang papatawid ang sinasakyan ng mga biktima sa railway.

Aniya, inaalam na ng mga otoridad kung ano ang sanhi ng salpukan o kung nagka-aberya ang warning sign bago ang insidente.


Paliwanag ni Domingo, dalawa sa tatlong Pinoy na sugatan sa insidente ang nasa malubhang kalagayan.

Nabatid na kararating lang sa New Zealand ng mga biktima noong nakaraang Linggo at mamamasukan bilang tagapitas ng prutas.

Giit ni Domingo, hindi pa mailabas ang mga pangalan ng mga biktima dahil patuloy pang kinokontak ang mga kaanak ng mga ito sa Pilipinas.

Kasabay nito, nangako naman ang Embahada na tutulungan ang mga biktima at kanilang mga kaanak.

Facebook Comments