Dalawang suspek, arestado matapos ibenta ang libreng abono ng gobyerno

Timbog ang dalawang suspek matapos maaktuhang nagbebenta ng mga agricultural chemical na dapat sana’y libre para sa mga magsasaka.

Sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Isabela at Department of Agriculture (DA) Region 2 nitong April 5 sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, naaresto sina alias Rowena at Dennis kung saan nasabat sa mga ito ang 43 sako ng abono na may tatak na “Not For Sale” at tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.75-M.

Ayon kay PNP-CIDG PMGen. Nicolas Torre III, mayroon silang natanggap na sumbong mula sa DA patungkol sa iligal na gawain ng mga suspek kaya agad silang nagkasa ng operasyon.

Kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7394 (Consumer Act of the Philippines) ang dalawang suspek dahil sa pagbebenta ng produktong walang lisensya mula sa Fertilizer and Pesticide Authority.

Facebook Comments