DATING CTG SUPPORTER, SUMUKO SA PULISYA SA NUEVA VIZCAYA

CAUAYAN CITY – Boluntaryong sumuko sa awtoridad ang isang 56-anyos na magsasaka na dating tagasuporta ng Communist Terrorist Group (CTG) sa mga awtoridad sa Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Kinilala sa alyas na “Jimmy,” sumuko siya sa pinagsanib na puwersa ng Ambaguio Police Station at 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company matapos ang mahigit tatlong dekadang pagkakasangkot sa kilusan.

Ikinuwento ni Jimmy na na-recruit siya noong 1987 ni “Ka Sammy” at nagsilbi bilang tagapagdala ng impormasyon at gamit para sa CTG sa Ifugao at Nueva Vizcaya. Ang kanyang pagsuko ay bunga ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo sa ilalim ng EO 70 at NTF-ELCAC.

Ayon kay PCOL Jectopher Haloc ng NVPPO, simbolo ito ng tagumpay ng mga hakbang para sa kapayapaan at reintegrasyon ng mga dating rebelde sa lipunan. Sa ngayon ay nasa kustodiya na si Jimmy para sa dokumentasyon at imbestigasyon.

Facebook Comments