
“Masyado pang maaga”. Ito ang iginiit ni Independent Commision for Infrastructure (ICI) member at dating DPWH Sec. Babes Singson hinggil sa kung posible bang maging “state witness” si dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez.
Ayon kay dating DPWH Sec. Babes Singson, hindi pa sapat ang impormasyong nakuha nila o ng ICI sa pagharap ni Romualdez sa komisyon kahapon kaya pinababalik siya sa sunod na linggo.
Kailangan pa rin aniyang pag-aralan ng ICI ang nasa 100 pahinang affidavit na isinumite sa kanila ng mambabatas.
Sinabi pa ni Singson, hindi rin si Romualdez ang ‘least guilty’ sa mga resource person na kanila nang naimbestigahan.
Kahapon nang dumalo sa imbitasyon ng ICI si Romualdez at nagbigay ng mga impormasyon sa budget process.
Una nang sinabi ng Malacañang na nakadepende pa rin sa testimonya at detalyeng ilalalabas ni Romualdez sa Komisyon kung pasok ba itong maging “state witness.”









