
Nadakip ng mga operatiba ng Cyber Financial Crime Unit sa pamamagitan ng entrapment operation ang dating security guard ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) dahil sa pagbebenta online ng iligal na SMS blaster machine.
Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group Spokesperson PLt. Wallen Arancillo, naaresto si alias ‘Dante’ matapos madiskubre ng mga awtoridad ang pagbebenta nito online ng illegal devices sa pamamagitan ng Facebook Marketplace.
Sinabi ni Arancillo na hindi batid ng suspek na pulis na ang kanyang katransaksyon hanggang sa magtagpo sila at doon na ito nasakote.
Sa Facebook post ng suspek, makikitang nagbebenta ito ng SMS blaster machine at signal jammer sa halagang ₱475,000.00.
Nakumpiska mula kay alias Dante ang isang itim na SMS blaster machine o International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher na may signal jammer.
Sa ngayon, hawak na ang suspek ng mga awtoridad at nahaharap sa patong patong na reklamo tulad ng Misuse of Device ng RA No. 10175 o Cybercrime Prevention Act, RA No. 10173 o Data Privacy Act at RA No. 10175 o Philippine Radio Control Law.