
Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na piliting mapabalik sa Pilipinas si dating Presidential spokesperson Harry Roque.
Ito’y matapos isyuhan ng korte ng arrest order sina Roque at Whirlwind Corp. Incorporator Cassandra Li Ong kaugnay sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act bunsod ng mga iligal na aktibidad sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Hontiveros, kung hindi babalik ng bansa si Roque ay hindi lamang ito pagiwas sa arrest order sa Kongreso kundi ito ay paglabag din sa kautusan ng korte.
Punto ng Senadora, abogado si Roque kaya alam nitong mali ang ginagawa niyang pag-iwas sa batas.
Aniya pa, bukod kina Roque at Ong ay kasama rin sa inisyuhan ng arrest order ang ninong ni Cassie na si Duanren Wu na may koneksyon naman kay Li Duan Wang, ang Chinese junket operator na nagtangkang kumuha ng Filipino citizenship.
Nanawagan si Hontiveros na siguruhin na mapapanagot ang mga ito dahil tiyak na magbabagong anyo lang sila para makapambiktima pa ng ating mga kababayan.