Saturday, June 13, 2026

Dating SP Sotto, dumipensa sa paratang na pinayagan niya ang NBI na makapasok sa Senado kahapon; mga senador, walang ideya na papasok na si Sen. Dela Rosa

Dumipensa si dating Senate President Tito Sotto III sa alegasyon sa kanya ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na pinayagan niya kahapon ang National Bureau of Investigation (NBI) na makapasok sa loob ng Senado para habulin at pigilang makapasok sa sesyon ang senador.

Ayon kay Sotto, hindi naman alam ni Dela Rosa ang totoong nangyari kaya sumama ang loob sa kanya.

Sa mismong plenary session ngayong hapon ay nagpaliwanag si Sotto at aniya kahapon ng umaga ay may kinatawan ng NBI na lumapit sa kanya at ipinabatid na may warrant of arrest laban kay Dela Rosa.

Pinayuhan niya ang NBI representative na makipag-ugnayan sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) tungkol dito sa pag-aakalang ito ay isang simpleng impormasyon para ipaalam sa kanya na may isang miyembro ng Senado ang inisyuhan ng warrant of arrest.

Hindi rin niya alam na matapos ang pitong buwan na wala si Dela Rosa ay bigla na lamang itong magpapakita sa Senado.

Sinabi naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na mismong si NBI Director Melvin Matibag ang nagsabi sa kanila na pinayagan umano sila ni Sotto na makapasok sa Senado at alam na aarestuhin si Sen. Bato.

Maging si Senator Pia Cayetano na kasama sa pulong kahapon ay sinabi sa kanila ng NBI Director na may instruction siya sa mga tauhan nito na huwag papasok sa session hall.

Samantala, iginiit naman ni Sotto na wala siyang ginawang “obstruction of justice” at wala rin siyang masamang ginawa kaya bakit siya hihingi ng paumanhin.

Facebook Comments