Day of National Mourning, idineklara ni PBBM ngayong araw bilang pagluluksa sa kamatayan ng National Artist na si Nora Aunor

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pag-half mast ng mga watawat ng Pilipinas sa lahat ng gusali ng pamahalaan ngayong araw, bilang pagluluksa sa pagpanaw ng National Artist for Film and Broadcast Media na si Nora Cabaltera Villamayor o mas kilala bilang Nora Aunor.

Batay sa Proclamation No. 870, idineklara ni Pangulong Marcos ang araw na ito, April 22, 2025, bilang National Day of Mourning o Pambansang Araw ng Pagluluksa para kay Nora Aunor.

Nakasaad din sa proklamasyon na ang pagpanaw ni Nora Aunor ay isang malaking kawalan sa bansa, lalo na sa artistic at cultural community dahil sa natatangi nitong kontribusyon sa sining.

Alinsunod sa Republic Act No. 8491 o “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” ang watawat ng Pilipinas ay dapat naka-half mast bilang tanda ng pagluluksa sa araw ng libing ng isang tumanggap ng pambansang pagkilala at parangal.

Mananatiling naka-half mast ang lahat ng watawat ng Pilipinas hanggang sa paglubog ng araw.

Facebook Comments