
Sa pagdiriwang ng ika-127 taon ng Araw ng Kalayaan, hinimok ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang bawat Pilipino na pag-isipan ang tunay na kahulugan ng kalayaan at kapayapaan.
Ayon kay Teodoro, ang soberenya at kapayapaan ay hindi basta-basta nakakamit, kundi pinagbubuhusan ng sama-samang pagsisikap at matibay na paninindigan.
Binigyang-diin pa nito na sa mundo ngayon na puno ng tensyon, hindi na ligtas kahit ang mga isla o malalaking bansa sa mga hamon sa kanilang kasarinlan.
Sa ilalim aniya ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., pangunahing layunin ang pagpapalakas ng kakayahan ng bansa, mas maayos na koneksyon sa mamamayan, at pagtiyak na nararamdaman ng bawat Pilipino ang mga benepisyo ng gobyerno.
Babala pa ni Teodoro na sa bawat araw na pinapabayaan natin ang ating depensa, lalo aniya tayong nawawalan ng kakayahan para maging tunay na malaya at maunlad.
Kasunod nito, nananawagan si Teodoro sa sambayang Pilipino na magkaisa at gamitin ang kani-kaniyang galing para sa ikabubuti ng bayan.