
Hiniling ni Senator-judge Migz Zubiri sa defense team na maglabas ng naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na binawi o itinanggi na hindi totoo ang diumano’y pananakot niya na ipapapatay si Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa impeachment trial ay kinwestyon ni Zubiri ang defense team na maliban sa “blanket denial” na isinumite sa impeachment court ay mayroon pa bang ibang inisyung statement si VP Sara na itinatanggi na totoo o isang biro lang ang kanyang mga binitawang pagbabanta.
Inihalintulad pa ni Zubiri na noong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung may masabi man ito na tungkol sa papatayin ay agad din niyang sinasabi na “joke lang” o nagloloko lang siya sa kaniyang pahayag.
Sinabi ni Zubiri na kung mayroong pagtanggi noon si VP Sara sa mga naging pagbabanta ay magbibigay bigat ito sa kanilang magiging desisyon.
Sinagot naman ni defense lawyer Atty. Mark Vinluan si Zubiri na mayroong statement ng denial si VP Sara at ihaharap nila ito bilang ebidensya kapag sila na ang magpiprisinta.










