Deliberasyon ng Kamara sa Economic Cha-cha, tatapusin bago ang Holy Week break ng Kongreso

37

Kumpyansa si House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr., na bago ang session break ng Kamara para sa Semana Santa ay matatapos nila ang deliberasyon sa plenaryo ng Resolution of Both Houses No. 2 o ang Economic Charter Change.

Ang Holy Week break ng Kamara ay magsisimula sa March 26 at magtatapos sa May 16, 2021.


Ayon kay Garbin, nagbilin na sa kanya si House Speaker Lord Allan Velasco na huwag madaliin ang deliberasyon sa panukala na pag-amyenda sa economic restrictions ng 1987 Constitution.

Pero sa kasalukuyan, sinabi ni Garbin na aabot na lamang sa 12 na kongresista ang nagpalista para sa debate at posibleng maging paulit-ulit na lamang ang mga mauungkat na tanong dahil ang mga nasa listahan ay nauna na ring sumalang noon sa committee level.

Sa kabila nito, sinabi ni Garbin na gusto pa rin ng Speaker na mabigyan ng pagkakataon ang mga kongresista na gustong sumalang sa plenary debates.

Nauna nang sinabi ni Velasco na posibleng sa Mayo ay mapagtibay ng Kamara ang Economic Cha-Cha at hindi rin ito dapat na ituring na “dead in the water.”



Facebook Comments