DepEd Sec. Sonny Angara, bibisitahin ang mga estudyanteng apektado ng sunog sa San Francisco High School sa Quezon City

Nakatakdang bisitahin ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara ang mga estudyante at guro na mula sa San Francisco High School sa Quezon City sa Barangay Santo Cristo.

Dakong alas-10:00 ngayong umaga bibisitahin ng Kalihim ang isasagawang check up ng nasa 500 estudyante at guro ng naturang paaralan.

Gaganapin ang aktibidad sa Estevan Elementary School sa Bagong Bantay, Quezon City.

Kasama rin sa naturang event si Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa.

May alok ang DepEd katuwang ang Philhealth na consultation at health advice, preventive health services, pag-alalay sa mga pasyente para maka-access sa mga serbisyo sa kanilang mga partner facilities at referral sa mga hospital kung kinakailangan maging ang diagnostic services.

Bahagi ng naturang programa ng MOU sa pagitan ng DepEd at PhilHealth para magkaroon ng framework sa Clinics for Learners’ Access to School-health Services Plus (CLASS+).

Ito ay bunga ng pagsisikap ng DepEd at PhilHealth para magkaroon ng ugnayan ang mga public school clinic sa local health systems at masiguro ang de kalidad na serbisyo sa pamamagitan ng Konsulta Program.

Facebook Comments