
Inalerto na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Deployable Response Groups (DRGs) bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng malalakas na pag-ulan at pagbaha ngayong tag-ulan.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, muling binuo ang DRGs para tumulong sa preemptive evacuation at rescue operations katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Pinaigting na rin ng PCG ang pagbabantay sa mga baybayin upang paalalahanan ang mga mangingisda na umiwas munang pumalaot lalo na kung may bagyo.
Patuloy rin ang mahigpit na inspeksyon sa mga barko at crew para tiyaking ligtas ang bawat biyahe sa karagatan kung saan nakahanda na rin ang mga search-and-rescue assets ng Coast Guard para sa mabilis na pagresponde kung kinakailangan.
Giit ng PCG, regular na sinasanay ang bawat isa nilang mga tauhan sa disaster response at search-and-rescue operations habang bukas sila sa pakikipagkoordinasyon sa iba pang ahensiya para sa mabilis at maaasahang serbisyo.