
Sang-ayon ang Malacañang sa naging desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi muna ipa-deport ang Russian-American vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy para mapagdusahan nito ang kaniyang kasalanan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dapat lang na panagutin ang mga dayuhang lumalapastangan at nang-iinsulto sa mga Pilipino.
Ang desisyon aniya ng DILG ay patunay na seryoso ang gobyerno na panagutin ang mga dayuhang hindi kumikilala sa batas ng Pilipinas.
Nauna nang sinabi ng Palasyo na gindi papayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bastusin ng mga dayuhan ang mga Pilipino sa sariling bansa.
Si Vitaly ay nahaharap sa kasong unjust vexation, alarm and scandal, at tangkang pagnanakaw at pangha-harass sa mga Pilipino para sa social media content.
Ayon sa DILG, mananatili muna sa kulungan ng Bureau of Immigration (BI) ang Russian-American vlogger habang dinidinig ang kasong kriminal laban sa kaniya.