Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makakatulong sa Pilipinas ang pagkakaroon non-permanent position sa United Nations Security Council (UNSC) sa susunod na taon.
Sa pagdinig sa Senado ay nausisa ni Senator Rodante Marcoleta kung ano ang magiging pakinabang o makukuha ng bansa sa UNSC matapos na hindi makadalo sa hearing tungkol sa sitwasyon ng mga Pilipino sa Middle East itong si Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro na nasa Estados Unidos ngayon para sa candidacy ng Pilipinas sa UNSC.
Paliwanag ni Foreign Affairs Assistant Secretary Germina Aguilar-Usudan, target ng Pilipinas na mahalal sa UNSC dahil maisusulong natin ang interes ng bansa sa UN arena at ang mga prinsipyo ng pagkakaisa at itinataguyod ng gobyerno ng bansa.
Mabibigyan aniya ng leverage ang Pilipinas sa mas maraming aspeto kapag nagkaroon ng posisyon sa UN Security Council.
Matatandaang noong nakaraang taon ay nangako si Pangulong Bongbong Marcos na ipagpapatuloy na itataguyod ang rule of law at ang mapayapang resolusyon sa mga pagtatalo para mapanatili ang international peace at security kapag nahalal sa non-permanent seat sa UN Security Council.










