
Arestado ang dating pulis na si Patrolman Francis Steve Fontillas na nag-viral matapos batikusin ang pamahalaan kaugnay ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa ulat ng pulisya, inaresto si Fontillas nitong Lunes sa bahagi ng Commonwealth, Quezon City sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Quezon City court dahil sa kasong inciting to sedition na may kaugnayan sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong kriminal laban kay Fontillas matapos itong mag-post ng mga mapanulsol na pahayag sa kanyang FB page na nanghihikayat sa mga pulis na mag-aklas at tumutol sa pag-aresto kay Duterte.
Matatandaang noong nakaraang buwan, pormal nang sinibak ng National Police Commission si Fontillas dahil sa grave misconduct, conduct unbecoming of a police officer, at disloyalty to the government.
Kasama rin sa parusang ipinataw ang habambuhay na diskwalipikasyon mula sa paninilbihan sa gobyerno.