
Cauayan City – Naging punong sentro ng kauna-unahang Nautical Tourism Expedition ang bayan ng Divilacan, kung saan mainit na tinanggap ng mga residente ang humigit-kumulang 130 foreign tourists mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Layunin ng nasabing ekspedisyon na ipakilala ang likas na yaman at kagandahan ng baybaying dagat ng rehiyon sa pamamagitan ng interaksyon.
Ang pagdaraos ng ekspedisyon ay naging posible sa tulong ng Department of Tourism Region 2, sa pangunguna ni Regional Director Troy Alexander Miano, katuwang si Isabela Provincial Tourism Officer Joanne Dy Maranan, at ang buong pamahalaang bayan ng Divilacan.
Isa sa mga tampok ng pagbisita ng mga turista ay ang pakikisalamuha nila sa mga mamamayan ng Divilacan, kung saan naranasan nila ang kultura, tradisyon, at likas na ganda ng lugar.
Tampok din ang iba’t ibang aktibidad gaya ng coastal tours, local food tasting, at cultural presentations na lalong nagpalawak ng karanasan ng mga dayuhan.