DOH, iginiit na hindi sila kinonsulta sa suhestyong i-deploy ang healthcare workers sa UK at Germany kapalit ang COVID-19 vaccines

22

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi sila nakonsulta o naabisuhan kaugnay sa mungkahing alisin ang deployment ban sa mga healthcare workers, kapalit ang COVID-19 vaccines.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangang abisuhan ang COVID-19 task force ng bansa kaugnay sa naturang mga plano dahil ang desisyon na kinabibilangan ng mga healthcare workers at bakuna ay nasa ilalim sa hurisdiksyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).


Sinabi naman ni United Kingdom Ambassador Daniel Pruce na walang plano ang UK na pumasok sa isang kasunduan kapalit ng bakuna laban sa coronavirus.

Aniya, nagkaroon sila ng pagpupulong ni Labor Secretary Silvestre Bello III tungkol sa suhestiyon ng Pilipinas ilang linggo na ang nakalipas pero mas gusto ng UK na tumulong na lamang sa access ng bansa sa COVID-19 vaccine sa pamamagitan ng COVAX facility ng World Health Organization.

Una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hiniling ng UK at Germany sa Pilipinas na tanggalin na ang cap sa deployment ng 5,000 healthcare workers kapalit ng COVID-19 vaccine.

Facebook Comments