DOH, irerekomenda ang pagsasara ng mga sementeryo sa buong bansa sa Undas

54

Posibleng irekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagsasara ng lahat ng mga sementeryo sa buong bansa sa Undas.

Kasunod ito ng desisyon ng mga alkalde sa Metro Manila na isara ng isang linggo simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 ang mga sementeryo sa Undas para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, suportado ng DOH ang desisyon na ito ng mga alkalde dahil mabuti itong hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Hindi kasi maiiwasang magsiksikan tuwing Undas dahil sa dami ng mga bumibisita sa mga sementeryo.

Kasabay nito, nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na papayagan pa rin ang paglilibing sa panahon ng Undas.

Paliwanag ni MMDA General Manager Jojo Garcia, ang tanging iniiwasan lang nila ay ang mass gathering dahil sa pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo tuwing All Saints Day at All Souls Day.

Facebook Comments