DOH, nilinaw na maaari pa rin ang home quarantine para sa mga pasyenteng mild at asymptomatic sa COVID-19

86

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na maaari pa rin ang home quarantine para sa mga pasyenteng mild, asymptomatic at may iba pang sintomas ng COVID-19.

Kasunod ito ng inilabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) tungkol sa mahigpit na implementasyon ng facility-based quarantine.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi naman tinanggal ang home qurantine pero mas kinokonsidera nila ang temporary facility para sa mga COVID-19 patient.

Aniya, napansin kasi ng IATF na hindi naging epektibo ang home quarantine para makontrol ang pagkalat ng virus lalo na sa mga tahanan at komunidad.

Paglilinaw pa ni Vergeire, ang home quarantine ay magiging opsyon lamang kung puno na ang mga quarantine o treatment facility sa lugar na kinaroroonan ng pasyenteng mild at asymptomatic.

Ngunit paalala ni Vergeire, kailangang makasunod ang pasyente sa mga kondisyon kabilang ang pagkakaroon ng sariling kwarto, palikuran at matiyak na siya lang ang gagamit dito para maiwasan na magkaroon ng contact sa mga kasama niya sa bahay.

Facebook Comments